Ngayong tag-init, panay na naman ang pagkamot at pagsuyod ng ilang mga bata dahil sa pagdami ng mga kuto sa kanilang mga ulo. Bakit nga ba hilig ng mga kuto ang tag-init, at epektibo nga ba ang paglalagay ng gaas sa ulo para mawala ang mga ito?
“Gusto po ng kuto ang mainit na lugar. Kaya po sila nasa buhok po natin kasi ‘yung temperature po roon mainit. Kapag summer siyempre magkakasama ‘yung mga bata. Ang pagkalat kasi ng kuto direct contact” sabi ni Dr. Tina Sanchez-Lucila, Coordinator ng Quezon City Health-Neglected Tropical Diseases sa ulat ni Saleema Refran sa 24 Oras.
“Kapag tag-init ang ating mga katawan pawis na pawis na. Mas gusto po ng mga organismo at mga kuto ang ganitong environment, mas nagkakaroon sila ng panganganak at mas dumadami sila. So during summer times ito pong kuto ay madali pong makapanghawa especially kapag nasa eskuwelahan at lalo na sa mga kabataan,” sabi ni DOH Officer-in-charge Dr. Maria Rosario Vergeire.
Sinabi ng RITM na pediculosis capitis ang tawag sa pamumungad ng mga kuto sa anit ng isang tao.
Karaniwan ito sa mga batang tatlo hanggang 12, na maaaring makuha sa direktang pagdidikit ng ulo, o paghihiraman ng mga gamit sa ulo o buhok tulad ng suklay, headband, bandana o mga cap o sumbrero.
Pinakasintomas ng pediculosis capitis ang pangangati ng ulo, isang bagay na hindi dapat ipagpasawalang-bahala.
Ayon kay Lucila, maaaring magkaroon ang isang tao na may mga kuto ng bacterial infection o pagsusugat sa pagkakamot.
Maaari ring magkakuto ang isang tao kahit hindi nangangati ang ulo, kaya dapat laging sinusuri ang buhok.
Nagpayo ang mga eksperto na huwag basta basta gumamit ng mga umano’y lunas, tulad ng paglalagay ng gaas at pagkalbo.
“Ang kerosene po or gas, puwede po ‘yon makasama, makalapnos ng balat. Tapos ‘yung amoy po nito or fumes puwede pong magkaroon ng pagkahilo or pagsakit ng ulo,” sabi ni Lucila.
Pinakamaigi ang magpakonsulta sa doktor para maresetahan ng tamang lunas, gaya ng espesyal na shampoo o lotion.
Kung kulang ang budget, puwede ring magmano-mano na gagamit ng suyod habang basa ang buhok ng isang bata.
Panatilihin ding malinis ang bahay at labahan ang mga damit at gamit ng bata tulad ng stuffed toys dalawang araw bago magsimulang mangati. —LBG, GMA Integrated News