Nakuha ng TNT Tropang Giga ang kampeonato sa 2023 PBA Governors' Cup laban sa Barangay Ginebra matapos manaig sa Game 6 ng kanilang best-of-seven finals series sa iskor na 97-93 sa Smart Araneta Coliseum nitong Biyernes.

Dahil sa panalo ng Tropang Giga, ibinulsa nila ang kauna-unahan nilang Governors' Cup title sa kanilang franchise history. Samantala, nagwakas naman ang dalawang taon na paghahari ng Gin Kings.

Kumamada si Mikey Williams ng 38 puntos, kasama ang pitong rebounds at tatlong assists.

Inakay ng Filipino-American guard ang TNT sa third period, na nagtapos na may manipis na kalamangan sa iskor na  77-73.

Pero ipinakita ng Ginebra ang "Never Say Die" spirit, na bumangon mula sa walong puntos na pagkakabaon at idikit ang iskor sa 84-83 mula sa back-to-back baskets ni Christian Standhardinger.

Napanatili naman ng TNT ang kalamangan sa tira ni Jeremiah Gray. Subalit sandaling umabante ang Ginebra sa tirada ni Jamie Malonzo, 93-92.

Ngunit muling pinatahimik ni Williams ang Barangay sa kaniyang triple at ibinalik sa TNT ang kalamangan ng dalawang puntos na 1:15 na lang ang nalalabi sa laro.

Mula rito, bigo nang makabawi ang Ginebra hanggang matapos sa iskor na 97-93, para sa TNT.

Nagtala si Justin Brownlee ng Ginebra ng 29 na puntos at 12 rebound. Habang may tig-20 puntos naman sina Jamie Malonzo at Scottie Thompson.

Samantalang ang Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson, nagtala naman ng 27 ponits, 13 boards, at six assists, at may kasamang dalawang steal.—FRJ, GMA Integrated News