Arestado ang isang construction worker matapos umanong gahasain ang menor de edad niyang anak.
Ininulat sa Unang Balita nitong Biyernes ni James Agustin na lasing umano ang suspek kaya nagawa nito ang krimen.
Ayon sa ulat, naaresto ng mga pulis-Quezon City sa isang follow-up operation sa Barangay Baesa ang 33-anyos na construction worker. Ang biktima niya ay ang ang 15-anyos na panganay na anak.
Nangyari umano ang krimen noong Miyerkoles ng madaling-araw.
"Ayon po sa imbestigasyon namin yung suspek ay nakainom. Yun po, natutulog yung kanyang anak e, pinagsamantalahan ho niya," pahayag ni Police Lt. Col. Mark Janis Ballesteros, commander ng Talipapa Police Station.
Nagbanta pa raw ang suspek sa kanyang anak na huwag magsumbong kahit kanino kasi kung makukulong siya, magpapakamatay na lang daw siya at hindi na siya makapagbibigay ng suporta," dagdag ni Ballesteros.
Binantayan umano ng husto ng suspek ang kanyang anak, pero nakuha pa rin ng biktima na makapagsubong sa tiyahin niya.
Dumulog agad umano ang tiyahin ng bata sa pulisya kaya naikasa ang operayon at nahuli ang suspek.
Pahayag ng suspek sa harap ng media camera, "Lasing po ako noon sir, ang nangyari po nun ay nahipuan ko po siya."
Nagsisisi na ang suspek sa nangyari. "Hihingi po ako ng pasensya sa anak ko. Sana mapatawad niya ako sa ginawa ko."
Sinampahan ang suspek ng reklamong statutory rape. —LBG, GMA Integrated News