Bangkay na nang matagpuang palutang-lutang sa Sta. Ana, Maynila ang isang 10-anyos na batang lalaki halos isang araw matapos siyang malunod sa ilog Pasig.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan sa bahagi ng Punta sa Sta. Ana ang biktima na kinilalang si Cyean Bedonio, habang maririnig sa isang video ang sigawan at iyakan ng kaniyang mga kaanak.

Ayon sa tiyahin ng biktima, hindi umano nagpaalam si Bedonio na lalabas ito matapos kumain Lunes ng hapon. Kalaunan, napansin nilang wala ito sa bahay.

Nang magtanong ang mga kaanak, may nagsabing nakita ang bata na naglalaro sa tabing-ilog kasama ang apat pa na bata.

Pero pagdating ng mga kaanak sa lugar, sinabi ng mga kalaro ng bata na nalunod si Bedonio.

Dito na nagpatulong mga kaanak ni Bedonio sa mga awtoridad para hanapin siya, ngunit dumaan ang magdamag na hindi nila ito nakita.

Makalipas ang halos 24 oras, nakitang palutang-lutang na ang bangkay ni Bedonio.

Nagbabala ang barangay na huwag nang maligo sa Pasig River lalo sa mga bata. —LBG, GMA Integrated News