Sinabi ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na may malawak na planong cover-up sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa P6.7 bilyong halaga ng shabu na nasabat sa raid noong Oktubre 2022 na may sangkot na pulis. Dahil dito, dalawang police general at ilan pang opisyal ang kaniyang pinagbabakasyon.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Abalos na 990 kilograms ng shabu ang nakumpiska sa naturang raid, na ikinukonsiderang pinakamalaking nasabat na ilegal na droga sa bansa.
“I am giving them within this week to file their leave of absences pending investigation. Kung hindi magli-leave, sususpindehin natin sila,” babala ni Abalos sa mga police officer na kaniyang pinagbabakasyon.
“The buck doesn't stop here. Malawak ito. Mahabang laban ito," patuloy ng kalihim.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kabilang sa mga police officer na pinagbabakasyon ni Abalos ay sina Police Lt. Gen. Benjamin Santos, Police Brig. Gen Narciso Domingo, Police Colonel Julian Olonan, at Police Lt. Col. Glenn Gonzales.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na mahingan ng pahayag ang mga naturang opisyal.
Sinabi ni Abalos na nadiskubre na mga awtoridad na may mga high-ranking police officer ang nagtatangka na pagtakpan ang pagkakasangkot ni Police MSgt. Rodolfo Mayo, miyembro ng PNP Drug Enforcement Group, sa nasabat na droga.
Nagpakita pa siya sa media ng CCTV footage nang mahuli ang pulis at pinakawalan umano.
“Parang iba ang nangyari dun sa mga report na na-file ng PNP kasama na ang mga dokumento at mga testimonials na ibinigay ng police officers,” ani Abalos.
“It shows that there is indeed a massive attempt to cover up the arrest of Master Sergeant Rodolfo Mayo, Jr.," dagdag ng kalihim.
Si Mayo ang may-ari ng lending office kung saan nasabat ang mga ilegal na droga.
Nasibak na sa trabaho si Mayo at nahaharap sa three counts of grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Sinabi sa ulat na hindi nasiyahan si Abalos sa resulta ng imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente kaya bumuo na siya ng advisory board na magsisiyasat sa insidente.
Nadiskubre rin umano na may mga pulis na kumuha ng 42 kilo ng shabu mula sa mahigit 990 kilo na nasabat. --FRJ, GMA Integrated News