Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa 72 katao ang naitala nilang nasawi sa mga insidente ng pagkalunod sa iba't ibang lugar nitong nagdaang Holy Week. Apat naman ang nasawi dahil sa aksidente sa kalsada.
Sa televised public briefing nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na ang naturang bilang ng mga nasawi sa pagkalunod ay hanggang nitong 6 p.m. ng Easter Sunday.
Karamihan sa insidente ng pagkalunod ay nangyari sa Calabarzon (19 ang biktima), Ilocos (14), at Central Luzon (10).
Sa 72 na nasawi, 23 ang nasa edad tatlo hanggang 17. Tatlo naman ang senior citizens, ayon kay Fajardo.
Sa isang pahayag, pinayuhan ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang publiko na laging babantayan ang kanilang mga anak sa family outing.
"To all parents, please do not leave your children unattended and avoid drinking liquors while swimming to avoid cases of drowning,” paalala niya.
Samantala, nakapagtala rin ng mga aksidente sa kalsada ang PNP na nagresulta sa pagkasawi ng apat katao.
Sa kabila nito, inihayag ng PNP na “generally peaceful and orderly” ang naging paggunita ng bansa sa nagdaang Semana Santa.
Bumaba rin umano ang crime rate sa 14.69% para sa walong focus crimes kumpara sa naitala noong Enero 1 hanggang Abril 8.
“However, the crime environment still showed a significant change as the 8 focus crimes decreased by 14.69% from 10,954 incidents in 2022 (January 1 to April 8) to 9,345 incidents in 2023 for the same period,” ayon sa PNP. —FRJ, GMA Integrated News