Isang lalaking nakainom at nakatulog sa labas ng isang compound sa North Caloocan ang dead on the spot matapos siyang barilin ng isang suspek.
Nakilala ang biktima na si Edgardo Mondalia, 47-anyos na motorcycle taxi driver, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.
Ang itinuturong suspek naman ay isang alias Utoy na nangungupahan doon sa compound.
Nakipag-inuman daw ang biktima kasama ang ilang kaibigan. Iniwan siya ng kanyang mga kasama habang siya ay nakatulog sa upuan sa labas ng compound.
Maya-maya lang ay binaril siya sa mukha ng suspek na nakitang dali-daling patakas sa lugar.
Ayon sa stepson ng biktima, hindi nila alam ang motibo ng suspek dahil wala namang kaaway ang biktima.
Sa pag-iimbestiga naman ng Calooan Police, napag-alaman na ang biktima ay isa umano sa mga nanggugulo para mapaalis ang suspek sa inuupahan nito sa compound.
"'Pag naiiwan lang 'yung ating suspek doon, mag-isa, parang ginugulo siya. Inaalog 'yung gate nila, nag-iinuman sa harapan nila. Hinaharangan 'yung daanan nila para umalis sila. Itong biktima, dati ring nangungupahan doon. Ngayon, kasama siya doon sa mga nag-aano, nanggugulo dito sa nangungupahan," ayon kay Caloocan Sub-Station 12 commander Police Major Darwin Decano.
Nagtatago na raw ang suspek na ipinapasuko na ng mga kaanak.
Hindi narekober ng mga awtoridad ang ginamit na baril ng suspek na hinihinala nilang isang improvised sumpak. —KG, GMA Integrated News