Natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek sa pananaksak at pagpatay sa isang 24-anyos na computer science student sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni GMA Integrated News reporter Jun Veneracion, sinabi nito na tinukoy ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang pagkakakilanlan ng suspek na si Angelito Erlano.

 

 

Sa hiwalay na ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB, sinabing pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek at nakita roon ang ilang gamit ng biktima na isang graduating student.

Sa pahayag ng PNP, sinabing natunton ang bahay ng suspek sa Barangay San Nicholas 2 matapos magsagawa ng backtracking sa mga CCTV footage.

Nakita rin ang damit at short na pinaniniwalaang suot ng suspek nang gawin ang krimen.

Kabilang umano sa nakitang mga gamit ng biktima sa bahay ng suspek ang itim na backpack.

Ayon sa pulisya, dati nang naaresto si Erlano sa kasong pagnanakaw.

May alok na P1.1 milyon na pabuya sa makapagtuturo sa suspek upang malutas ang krimen.

Hinahanap na umano ng mga pulis si Erlano.

"We condemn this heinous crime and we will not stop until the perpetrator will be put behind bars. We call on the public to cooperate with the authorities and report any information that may lead to the arrest of the suspect," pangako ni Azurin.

Nakita ang duguang bangkay ng biktimang si Queen Leanne Daguinsin, na tadtad ng saksak sa kaniyang dorm sa Barangay Santa Fe.

Lumitaw sa imbestigasyon na pagnanakaw ang motibo ng salarin. —FRJ, GMA Integrated News