Pinutulan ng daliri sa paa at pinatay ang isang lalaki na dinukot sa Quezon City, at kinalaunan ay nakita ang bangkay sa Cavite. Ang anti-crime group na Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO), nagpahayag ng pagkabahala.

Ayon sa pulisya, dinukot ng mga salarin na armado ng baril ang biktima habang naglalakad sa Barangay Veterans Village noong umaga ng Marso 18.

“Naglalakad po ‘yung lalaki tapos mayroon pong huminto na sasakyan po na parang kulay gold,” pahayag ng isang saksi sa ulat ni Dano Tingcungco GMA’s “24 Oras Weekend” nitong Linggo.

“Tapos po may bumaba po na dalawang lalaki po na may baril po. Pilit po siyang pinasasakay po sa sasakyan,” dagdag nito.

Sa kaparehong araw, kinontak ng mga kidnaper ang pamilya ng biktima at nanghingi ng P300,000 na kanila namang ibinigay, ayon sa Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police (PNP).

“Una, P300,000 lang, tapos naibigay naman ng family ‘yung (amount), pero tinorture pa rin nila ‘yung victim, pinutulan pa rin nila ng daliri sa paa,” sabi ni PNP-AKG Spokesperson Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo.

Noong Marso 22, isang bangkay ng lalaki ang nakita sa Tanza, Cavite, Nakabalot ng duct tape ang mukha nito at putol ang isang daliri sa paa.

Kinumpirma ng pamilya ng biktima ang bangkay.

Kaagad namang nadakip ng mga pulis ang suspek sa krimen na tatlong Chinese nationals, at isang Vietnamese.

Ayon sa Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO), ang naturang krimen ang una sa nakalipas na tatlong taon na ang biktima ay walang kaugnayan sa casinos, gambling, POGOs (Philippine Offshore Gaming Operators), debt, o online scam.

“Ito, perpetrated by Chinese nationals, and the way they tortured the victim is exactly the same way they torture hostages na involved sa mga gambling,” sabi ni MRPO Founding President Teresita Ang-See.

“Bakit nagiging haven ang ating bansa sa mga criminal syndicates galing sa ibang bansa? It brings a lot of fear sa Chinoy community,” she added.--FRJ, GMA Integrated News