Arestado ang isang lalaking nagpaputok ng baril habang nag-iinuman sa Quezon City at nagpakilalang asawa raw ng isang pulis.
Hinuli rin ang kanyang kasama matapos pumalag umano sa mga awtoridad nang arestuhin.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes ni Jonathan Andal, sinabing sa istasyon na ng pulis nagpalipas ng kalasingan ang dalawang lalaki.
Inereklamo ang dalawa na nagpaputok umano ng baril habang nakikipag-inuman sa Barangay Old Capitol Site sa Quezon City.
Agad silang naitimbre sa mga pulis at sa barangay kaya inabutan sila habang nasa kalsada pauwi.
Si Rickie Cabungcal ang sinabing nagpaputok ng baril na cal. 45. Nakalisensya sa kanya ang baril at meron din siyang permit to carry firearm.
Wala siyang pahayag pero ang kanyang pakilala ay asawa raw siya ng isang pulis.
Ayon kay Police Lt. Col. Reynaldo Vitto, commander ng QCPD Station 9, "Dating security guard itong suspek, at mag-a-apply siya na private security."
Limang basyo ng bala ang nakuha sa bahay kung saan sila nag-inuman.
Mahaharap si Cabungcal sa mga reklamong "indiscriminate firing" at "alarms and scandal," ayon sa ulat.
Posible rin umanong makansela ang kanyang lisensya at 'di na papayagang makapagmay-ari ng baril.
Disobedience to person in authority naman ang irereklamo sa kasama ni Cabungcal na pumalag umano sa mga pulis nang arestuhin. —LBG, GMA Integrated News