Patay ang isang bata matapos masagasaan nang dumaraang truck sa Taguig City.
Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa “Saksi” alas-9 ng umaga nang dumaan ang isang puting truck sa Mindanao Avenue sa Barangay Maharlika nang biglang tumakbo ang bata patawid ng kalsada.
Nahagip ang bata at tuluyang nasagasaan ng truck. Huminto naman ang driver para siyasatin ang nangyari at nagpaaresto nang dumating ang mga rumespondeng mga tauhan ng barangay.
Dead on the spot ang limang taong gulang na si Abdulaziz Langiban na nakatira malapit sa lugar.
Hindi masabi ng ama ng biktima kung bakit nasa labas ng bahay ang paslit.
Bagamat tanggap ng pamilya na aksidente ang nangyari, pinananagot nila ang truck driver na si Roniel Silvoza.
Nais daw ng ina ng biktima na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, na iuwi at ilibing si Abdulaziz sa kanilang probinsya sa Cotabato. Nanawagan ang pamilya na sagutin ng truck driver ang gastos sa pag-uwi nito.
Paliwanag naman ng truck driver, hindi niya raw talaga nakita ang bata nang ito’y tumawid lalo na’t maliit ang bata at may kataasan ang truck na kanyang minamaneho.
“Humihingi po ako ng tawad sa mga magulang ng biktima. Maraming nakaparada dun sa gilid kaya nung tumawid hinid ko talaga siya nakita,” aniya.
Samantala, sa ngayon ay impounded muna ang truck sa Taguig Traffic Enforcement Unit habang naga-ayos pa ang pamilya ng biktima at may-ari ng truck tungkol sa pananagutan ng kanilang driver. —Sherylin Untalan/NB, GMA Integrated News