Umaasa pa rin si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na matutupad ang pangarap niyang maibaba sa P20 per kilo ang presyo ng bigas sa bansa.
Inihayag ito ni Marcos nang pangunahan niya ang paglulunsad ng Kadiwa Ng Pangulo sa Pili, Camarines Sur.
Layunin ng proyekto na mabigyan ng direktang mapagbebentahan ng kani-kanilang produkto ang mga magsasaka, mangingisda at maging ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
"Makikita ninyo 'yung bigas, ang aking pangarap na sinabi na bago ako umupo na sana maipababa natin ang presyo ng bigas ng P20, hindi pa tayo umaabot doon... dahan-dahan palapit, nasa P25 na tayo, kaunti na lang maibababa natin 'yan," sabi ni Marcos sa kaniyang talumpati.
Sa Kadiwa stalls, makabibili umano ng bigas na P25 per kilo. Ayon sa pangulo, mayroon nang mahigit 500 Kadiwa stalls sa buoang bansa, na mabibili ang mga produkto sa mas murang halaga.
Sa price monitoring ng Department of Agriculture hanggang nitong March 15, ang presyo ng well-milled rice sa merkado sa Metro Manila ay nagkakahalaga ng P40 hanggang P46 per kilo.
Nasa 20 exhibitor o Kadiwa partners ang inaasahang magbebenta ng kanilang mga produkto sa dalawang-araw na trade fair sa Barangay Palestina sa bayan ng Pili.—FRJ, GMA Integrated News