Lumabas sa isang pag-aaral na maraming South Koreans ang ayaw nang mag-suot ng face mask dahil natatago umano nito ang kanilang angking kagwapuhan o kagandahan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing lumabas sa pag-aaral ng Seoul National University na ito ang sagot ng ilan sa isinagawang survey sa mahigit 1,000 indibiduwal.
Paniwala nila na kung maganda o guwapo ang isang tao, dapat na itong i-reveal.
Sa Pilipinas, optional na ang pagsusuot ng face mask bilang proteksyon sa COVID-19, maliban sa mga pampublikong transportasyon at health facilities.
Kung ilang Pinoy naman ang tatanungin, nakasanayan na ng ilan ang magsuot ng face mask.
Ilan sa kanila ang nag-iingat sa dami ng kanilang nakakahalubilo.
Ang iba naman ay nagsusuot pa rin ng face mask, pero nahihirapan na dahil masakit sa mukha.
Ilang Pinoy naman ang gustong wala nang mask dahil mas nakikita ang facial expressions ng kanilang kausap. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News