Labis ang pasasalamat ni Vhong Navarro matapos na tuluyang ibasura ng Korte Suprema ang mga kasong rape at acts of lasciviousness na inihain laban sa kaniya ng modelong si Deniece Cornejo mula pa noong 2014.

“[Dininig] na po ng Supreme Court ‘yung dasal natin… Kaya maraming, maraming salamat… Dahil sa Supreme Court, naniniwala po ako na may justice system sa Pilipinas,” saad ni Vhong sa kaniyang pahayag.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing sinampahan ni Cornejo ng tatlong magkakaibang reklamo ng rape sa piskalya ng Taguig mula 2014 hanggang 2015.

Pero ibinasura itong lahat ng piskalya ng Taguig dahil sa lack of probable cause.

Umabot ang ikatlong reklamo sa Department of Justice, pero ibinasura rin noong 2018 dahil sa hindi magkakatugmang testimonya ni Cornejo sa tatlong reklamo.

Dahil dito, iniakyat ni Cornejo ang usapin sa Court of Appeals (CA), at inutusan nito ang piskalya ng Taguig na ihain ang dalawang kasong rape at acts of lasciviousness laban kay Navarro.

Inihayag noon ng CA na may jurisdiction ang korte na tukuyin kung may grave abuse of discretion o may abuso sa pagpapasiya ang Justice department nang katigan nito ang piskalya na walang probable cause para sampahan ng kaso si Navarro.

Pero sa desisyon ng Korte Suprema, ang piskalya talaga ang tumutukoy kung may mga batayan para kasuhan ang isang tao, bilang bahagi ng trabaho ng ehekutibo.

Bukod dito, hindi maaaring ipilit ng korte ang pag-uusig sa isang taong hindi nakitaan ng piskalya ng sapat na ebidensiya para maisakdal.

Dagdag ng korte, hindi maaaring payagan ang pagbabagong testimonya ni Cornejo para mapalakas ang kaso laban kay Navarro.

“I’m very happy for Vhong. This is a vindication for him!!! At least now everything has been put to an end. His liberty is not anymore temporary but permanent,” saad ni Atty. Maggie Abraham-Garduque, abogado ni Vhong.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ni Cornejo at ng kaniyang abogado tungkol sa desisyon ng korte. —LBG, GMA Integrated News