Nakita na ang Cessna plane na nawawala mula pa noong Enero 24, 2023, at pinapaniwalaang bumagsak sa kabundukan ng Isabela. Ayon sa Isabela Incident Management Team, walang nakaligtas sa anim na sakay ng eroplano.
Ayon kay Atty. Constante Foronda, pinuno ng management team, nakumpirma na nitong Huwebes na ang nakitang bumagsak na eroplano ay ang nawawalang Cessna C206 plane RPC 1174.
“As soon as possible ibaba po natin yung mga labi ng mga pasahero, kumukuha na po kami ng clearance mula sa mga crime labs and sa Scene of the Crime Operatives,” ayon kay Foronda.
Sinabi naman ni Engr. Ezikiel Chavez ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer (MDRRMO) ng Divilacan, Isabela, na nagkalahat ang bahagi ng eroplano sa lugar kung saan ito bumagsak.
May mga nakita ring mga damit na nakasabit sa mga puno na pinaniniwalaang kasuotan ng mga nakasakay sa eroplano.
"Una nilang nakita is bangko ng eroplano and then watak-watak daw po yung mga parts kasi pati mga damit po is nakasabit sa mga puno," saad niya.
Isa sa mga bangkay ang wala umanong ulo.
Sinabi ni Foronda, na maaaring abutin ng tatlong araw ang pagkuha sa mga labi.
“As usual weather po ang challenge diyan, at yung terrain,” ani Foronda.
Isi-secure umano ang lugar na pinagbagsakan ng eroplano para sa gagawing imbestigasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang alamin kung bakit bumagsak ang eroplano.
Dakong 2:15 pm noong Enero 24, nang lumipad mula sa Cauayan Airport ang naturang eroplano, na patungo sa bayan ng Maconacon. Sakay nito ang piloto at limang pasahero.
Huling nakapagbigay ng komunikasyon ang piloto sa air traffic controllers dakong 2:19 p.m. sa Naguilian. Inasahang darating sa Maconacon ang eroplano ng 2:45 p.m. nang bigla itong mawala.—FRJ, GMA Integrated News