Huli sa CCTV ang pagnanakaw sa isang bike shop sa Barangay Talipapa, Quezon City, dahilan para matukoy ang suspek, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes.
Bukod sa kuha ng CCTV, namukhaan din ng isang empleyado ng bike shop ang suspek. Hindi raw alam ng suspek na may empleyado pa sa shop nang gawin niya ang pagnanakaw nitong Miyerkoles ng madaling araw.
"Sa sobrang takot ko, nagtulug-tulugan ako," anang empleyado na nakakita sa pangyayari.
"Natakot ako kasi baka may kasamahan pa siya sa labas," dagdag pa niya.
Sa himpilan ng pulis, namukhaan ng empleyado ang suspek sa ipinakita sa kaniyang rogue's gallery o litrato ng mga dati nang nakulong doon.
Naaresto ang suspek sa bahay niya at nakuha sa kaniya ang dalawang laptop at isang relo.
Ayon sa nanakawan, may nawawala pang tatlong relo, bike accessories, at recorder ng CCTV. Hinala ng pulisya, naibenta na ang mga ito.
Depensa ng suspek, nagawa niya ang krimen dahil buntis ang kaniyang asawa at kailangan niya ng pera. —KBK, GMA Integrated News