Inireklamo ng mahigit 30 gumagamit ng e-wallet platform na GCash ang biglang pagkawala umano ng kanilang mga pera. Ang isa, ginamit daw sa isang online shopping application. Nakikipagtulungan naman daw ang GCash sa mga awtoridad para mahuli ang mga manloloko.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ng Eastern Metro Manila Headquarters sa Pasig City na mahigit 30 reklamo na ang natanggap nila mula nitong Enero.
Kabilang sa mga biktima si “Grace” na nawala umano ang pera na nakalaan para sa pag-aaral ng anak.
“Nagulat na lang ako, nakareceive ako ng text message sa GCash. You have paid P58,000...there’s no contact number and reference number attached,” aniya.
“Nag-search ako sa Facebook sa pangalan na ‘yun... Natuklasan ko roon, ang dami pala namin. ‘Di ako nag-iisa. May nauna na sa akin, P40,000 then may P1,000 pati P400 pinagtiyagaan pa, hanggang sa ako ang pinakahuli na P58,000,” patuloy niya.
Samantala, si “Marilyn” na kumikita sa pamamagitan ng over-the-counter transactions sa GCash, sinabing nawalan siya ng nasa P26,000 sa kaniyang e-wallet account.
“Nakakapagtaka, paano nila nabuksan ang Gcash ko na wala namang OTP na dumating," ayon kay Marilyn.
"Maliit lang ang puhunan ko...Pinapa-ikot-ikot ko lang, tapos ngayon, mawawala ng ganun-ganun lang,” dagdag niya.
Nawalan din ng pera ang mechanical engineering student na si “Danie.” Aniya, ginamit ng hacker ang account niya sa online shopping application.
“Gumagamit ako ng online shopping app. 'Yung Gcash ko naka link, umorder nang umorder ang hacker ng e voucher, nailabas nila ang pera ko,” paliwanag ni Danie..
Maging ang Barangay Councilor Chester Guevarra, na dating tumatanggap ng reklamo, nabiktima rin.
“Bigla na lang nawala ang laman ng GCcash ko amounting to P6,000 pero nahiya, nagtira pa ng P140… walang notification kaya nagtataka ako,” dagdag.
Ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), tanging ang operating company na GCash ang makapagpapaliwanag kung ano ang nangyari.
“Sila naman ang nakakakita ng ins and outs ng money transaction, so whether na pumunta samin, to ask for police report, ultimately sila pa rin ang mag-iimbestiga niyan because they have their own anti-fraud department,” paliwanag ni PNP Spokesperson Michelle Sabino.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng GCash na nakikipag-ugnayan na sila sa awtoridad para habulin ang mga nasa likod ng panloloko.
Nagpatupad din sila ng “Double Safe” security feature na gumagamit ng “facial verification as another measure to protect our customers.”
“We want to remind our customers to be vigilant against scammers and never share their MPIN or one-time password with anyone,” dagdag niya.
Sa mga kostumer na mabibiktima ng panloloko, pinapasyuhan silang mag-report sa GCash sa pamamagitan ng help center na https://help.gcash.com/hc/en-us o tumawag sa hotline na 2882. --FRJ, GMA Integrated News