Nais ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na hindi magiging dahilan ang PUV modernization program para mawalan ng trabaho ang ibang tsuper at operator.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules, nagbahagi si Marcos ng napag-usapan sa pulong ng ilang opisyal sa Palasyo at ilang lider ng nagwelgang transport groups.
Matapos ang pagpupulong, itinigil na ng mga nagwewelgang grupo ang kaniyang tigil-pasada nitong Miyerkules, na dapat sana ay tatagal ng isang linggo.
"Ang problema na kanilang sinasabi ay baka hindi sila mapautang para makapagbili ng bagong sasakyan. Kaya't yan ang tinitingnan namin ngayon na tiyakin na walang mawawalan ng trabaho dahil hindi nakapagbili ng electric vehicle pagdating ng panahon," ayon sa pangulo.
"Wala pa tayo doon pero sa ngayon ang ginagawa lang natin tiyakin lang natin na safe ang ating mga sasakyan... na hindi malagay sa alanganin ang mga pasahero, ang mga commuter," dagdag niya.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, ang naturang pulong na ginanap nitong Martes, kasama sina PISTON president Mody Floranda at lider ng grupong Manibela na si Mar Valbuena.
Sa video na ipinost ng PCO, nagpahayag ng suporta sina Valbuena at Floranda sa programa pero umapela sila na gawin ito sa paraan na walang maiiwan, patas, makatao, at resonable.
Nagpasalamat naman si Marcos sa transport groups na nagpasyang itigil na ang kanilang welga.
"I'm glad that... ako'y nagpapasalamat naman sa kanila na sa palagay ko ay naramdaman nila, they have made their point very clearly na kailangan natin tingnan at pag-aralan nang mabuti," anang pangulo.
Nitong Miyerkules, sinabi ng Department of Transportation na rerepasuhin ng pamahalaan ang 2017 Omnibus Franchising Guidelines, na nagsisilbing gabay sa PUVMP.
Nauna nang inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang pagpapalawig ng mga prangkisa ng PUV hanggang Disyembre sa halip na sa katapusan ng Hunyo. Bahagi nito ang paghimok sa mga PUV operator at driver na umanib sa kooperatiba o korporasyon para makakuha ng electric mini-bus na kanilang ipampapasada.—FRJ, GMA Integrated News