Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw ang lisensiya sa pagmamaneho ng isang delivery rider na nag-viral kamakailan sa social media ang video dahil sa bata na nakitang nasa loob ng kaniyang delivery box.
Sa ulat ng GMA 24 Oras Weekend nitong Linggo, makikita sa nag-viral na video ang pag-angat ng kamay ng bata na nasa loob ng delivery box na nasa likod ng motorsiklo.
Sinasabing anak umano ng rider ang bata.
Bukod sa pagkakasuspinde ng kaniyang lisensiya, hiningan din ng LTO ng paliwanag ang rider kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng paglabag sa Republic Act 1066 o ang Children's Safety on Motorcycles Act of 2015.
Pinagpapaliwanag din ang rider kung bakit non professional ang kaniyang lisensiya gayung professional ang lisensiya na itinatakda sa mga delivery rider.—FRJ, GMA Integrated News