Na-hulicam ang pagnanakaw ng mga kalalakihan sa bultu-bultong mga damit na nagkakahalaga ng P132,000 mula sa isang establisyimento, at isinakay ang mga ito sa mga e-trike sa Las Piñas City. Ang driver ng isa sa mga e-trike, arestado.
Sa ulat ni Nico Waje sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, mapapanood sa isang video ang paghahakot ng mga suspek sa mga bulto ng mga damit pasado 1 a.m. na tila mga trabahador lang.
Isa-isa nilang binubuhat ang mga ready-to-wear (RTW) na damit at isinasakay sa dalawang e-trike na nakaparada sa tapat ng establisyimento.
Pilit pa nilang sinisiksik ang mga damit sa mga e-trike kahit hindi na kasya, at meron pa silang inilagay sa bubong.
Sinabi ng Las Piñas Police na tinimbrehan sila ng isang concerned citizen tungkol sa mga kaduda-dudang lalaki na akyat-baba sa establisyimento.
Puwersahan ding sinira ng mga suspek ang padlock ng gate gamit ang bolt cutter.
Ayon sa pulisya, hindi huminto ang e-trike nang sitahin ng police mobile kaya nagkaroon ng kaunting habulan.
Nagawang makatakas ang mga sakay ng dalawang e-trike, ngunit nadakip ang driver na siya ring may-ari ng isa sa dalawang e-trike na si Noling Alrawe Abubacar.
Sinabi ng mga pulis na inilahad ni Abubacar na inarkila lamang siya ng mga lalaking nasapul sa CCTV.
Natagpuan kalaunan ang dalawang e-trike na may lamang 11 bale o bundle ng mga assorted na damit na nagkakahalaga ng P132,000.
Pero base sa imbentaryo ng establisyimento, may mga nauna pang nakuha ang mga suspek na aabot sa P500,000.
Pinaghahanap ang iba pang kasama ni Abubacar. — VBL, GMA Integrated News