Patung-patong na reklamo ang kakaharapin ng isang lalaki sa Quezon City na bumili umano ng nakaw na motorsiklo.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, nakunan din ang suspek ng sumpak, at sangkot din umano ito sa iba pang krimen.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes na inaresto ng mga tauhan ng QCPD Station 3 si Conrad Pariñas sa Barangay Tandang Sora, Quezon City, matapos bumili ng nakaw na motorsiklo.
May nakuha pang sumpak na nakatago sa kanyang bag.
Ayon sa mga pulis, nanakaw ang motorsiklo noong January 16 sa may Quirino Highway, at agad naman umanong naireport ng may-ari.
Pero naibenta na raw ang motor at pinalitan pa ang kulay.
"Meron tayong nakuha na impormasyon mula sa isang informant na yung nanakaw na motorsiklo ay naibenta dito kay Alyas 'Oleng', so nagkasa po tayo ng entrapment operation para makuha ang motor at maaresto narin natin," pahayag ni Police Lt.Col Mark Janis Ballesteros, Talipapa Police Station commander.
Si Pariñas umano ay itinuturing na No. 3 sa listahan ng drug personalities ng QCPD Station 3, at kabilang sa drug watch list ng barangay. Sangkot din umano siya sa iba pang krimen.
Depensa ng suspek, hindi niya alam na nakaw ang motorsiklo na ibinenta sa kanya.
Wala sinyang pahayag kaugnay sa sumpak na nakuha sa kanya.
Mahaharap ang suspek sa patung-patong na reklamo, ayon sa ulat. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News