Bago ang kaso ni John Matthew Salilig na nakita ang bangkay sa mababaw na hukay sa Cavite, isa ring engineering student sa University of Cebu ang pinaniniwalaan ng kaniyang pamilya na nasawi sa hazing ng Tau Gamma Phi fraternity.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala nito ang nasawi na si Ronnel Baguio, 2nd year engineering student.

Ayon sa ina ni Ronnel na si Lenny, December 18 nang tumawag sa kaniya ang nag-iisang anak para sabihin na nahihilo siya, nasusuka at nahihirapang huminga.

Nadala umano sa ospital ng mga kasamahan sa dorm si Ronnel pero namatay din.

Sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ng biktima, may nakita umanong mga pasa at sugat sa likod ng kaniyang dalawang hita.

Sa kaniyang death certificate, lumalabas na ang dahilan ng kaniyang pagkamatay ay severe acute respiratory distress secondary to indirect lung injury, acute kidney injury secondary to rhabdomyolysis, at rhabdomyolysis secondary to multiple physical injuries.

Ayon sa ulat, ang rhabdomyolysis ay ang kondisyon na pumapasok sa dugo ng tao ang mga protina at electrolytes mula sa mga napinsalang tissue o muscle.

Humingi ng tulong ang ina ni Ronnel sa Public Attorneys Office para masampahan ng kaso ang mga nagsagawa ng hazing sa kaniyang anak.

Kasama sa mga ebidensiyang inihahanda ang mga huling mensahe ni Ronnel sa cellphone. Makikita umano rito ang pakikipag-usap ng biktima sa isang instructor ng paaralan na miyembro rin umano ng fraternity.

Sinabi ni Atty. Persida Acosta, PAO chief, na isa pa lang ang natutukoy nilang puwedeng sampahan ng kaso.

"'Yan ang hirap takip-takipan 'yan. Kaya dapat pare- pareho ng penalty, pumalo o hindi pumalo," giit niya.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng paaralan, ayon sa ulat.

Matatandaan na nagwakas ang ilang araw na paghahanap ng pamilya kay Salilig matapos na may magturo kung saan inilibing ang bangkay nito sa Cavite.

Sinasabing namatay si Salilig, estudyante ng Adamson University, matapos na hindi kayanin ang pinagdaanang hirap sa hazing ng kinaaniban niyang Tau Gamma Phi fraternity.--FRJ, GMA Integrated News