Dalawa ang patay sa sunog sa isang residential building sa Caloocan City sa bisperas ng fire prevention month.
Iniulat in Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles na dalawang babae ang namatay sa sunog, ang isa 40-anyos, at ang isa sa ay siyam na taong gulang.
Ayon ulat, natagpuan ang katawan ng isang biktima sa unang palapag, at ang ikalawa, ang batang babae ay sa ika-apat na palapag.
Naisugod pa sa ospital ang bata ngunit binawian din ng buhay.
"Siguro na-trap sila kasi kung makikita natin itong entrance nila ay one-way-in at one-way-out, at maliit lang. Yung iba nakatalon sa bintana ... kabilang ang may-ari ng bahay," pahayag ni F/Supt. Jeffrey Atienza.
Ayon sa ulat, nagbayanihan ang mga magkakapitbahay sa Barangay 8 sa Caloocan City matapos sumiklab ang sunog sa apat na palapag na residential building sa lugar, pasado alas-diyes Martes ng kagabi.
Kailangan umakyat sa bubong ng mga bahay ang mga bumbero upang apulahin ang apoy dahil masikip ang daan papasok sa nasusunog na bahay, at pahirapan din umano ang pag-akyat dahil sa mga nakalaylay na kawad ng kuryente.
Nagdeklara ng fire ang mga bumbero matapos ng dalawang oras.
Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa sanhi ng sunog. —LBG, GMA Integrated News