Humingi ng tulong ang dating vice mayor ng San Fernando, Masbate para mahanap ang kaniyang anak na babae na isang linggo nang nawawala. Umalis daw sa tinutuluyang condo unit sa Taguig ang kaniyang anak noong Pebrero 20 para katagpuin ang nakahiwalayang umanong asawa.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, inihayag ni dating vice-mayor Karla Bunan, hanggang ngayon ay hindi pa nakikipag-ugnayan sa kaniya at sa mga kaibigan ang kaniyang anak na si Veronicka Bunan Romualdez.
Nang umalis umano ito sa tinutuluyang condo unit sa Bonifacio Global City noong Pebrero 20, kinatagpo umano ng kaniyang anak ang nakahiwalayan nitong mister na si John Lorenz Romualdez, sa isang hotel sa Parañaque.
“Hindi ko po alam kung nasaan siya. Wala siyang tawag. Kahit sa mga kaibigan niya po hindi siya tumatawag, very unusual po ito,” sabi ng dating bise alkalde.
“Nung nakita ko po yung CCTV footage na dumating po sila, sabay po sila nung mag-asawa, doon ko po nalaman na talaga pong si Veronicka po nagpunta at saka si John Lorenz po yung kanyang husband noong [February] 20 nung gabi,” patuloy niya.
Nanatili umano ang mag-asawa sa hotel at umalis sa sumunod na araw pero nauna umano si John Lorenz.
“Kinabukasan lumabas po ng room, nauna po yung lalaki, tapos si Nicka po... nagpunta ng basement. Tapos yun na po... ang huling kita sa kanya. Hindi po siya nakitang sumakay ng kahit anong sasakyan po,” sabi pa ni Bunan.
Sinubukan umano ng ginang na kausapin si John Lorenz tungkol sa nangyari sa kaniyang anak.
“Wala daw siyang alam. Tapos sabi niya ayaw kong kausap ka sabi niya sa phone, mag-usap tayo nang harapan. Hindi niya po ako sinipot,” sabi ni Bunan.
Ayon kay Bunan, ilang buwan nang hiwalay ang kaniyang anak kay John Lorenz. Pero nakipagkita raw ang kaniyang anak kay John Lorenz na nais umanong makipag-ayos.
Naghain na ng missing person report ang pamilya ng dating bise alkalde sa Taguig police.
Samantala, sinabi ni John Lorenz na hinahanap din niya ang kaniyang asawa.
Nagsumite na rin daw sila ng report sa PNP Anti-Kidnapping Group para mahanap si Veronicka.
Gayunman, tumanggi na muna siyang magkomento sa mga inihayag ng dating bise alkalde.
Sinisikap pa umano na makuhanan ng pahayag ang tanggapan ng PNP Taguig at PNP AKG, ayon sa ulat. — FRJ, GMA Integrated News