Ikinuwento ng isang retired seaman mula sa Negros Occidental kung papaano niya pinili na parang pagbola sa Bingo ang mga numerong tinayaan niya at tumama ng mahigit P73 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 draw noong Pebrero 1, 2023.
Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes, sinabing isa ang retired seaman sa dalawang tumama sa naturang MegaLotto 6/45 draw, at kinubra na ang bahagi ng premyo na kaniyang tinamaan.
Ang lumabas na mga numero sa nabanggit na draw ay 37–29–42–21–27–05, at may kabuuang premyo ito na P73,481,247.20.
"Yung number na lumabas ay dalawang taon ko nang alaga. Naisipan ko po dati na kunin ang mga number sa Bingo. Ang ginawa ko po ay inilagay ko po sa isang bote yung number 1 to 45 saka po ako kumuha ng anim na numero at yun po ang palagi kung tinatayaan na sa lotto," ayon sa dating seaman.
Plano umano nito na magtayo ng negosyo sa Negros Occidental, at magtabi rin sa bangko para sa kaniyang pamilya.
Samantala, kinubra rin umano ng 62-anyos na retired government employee mula sa Isabela ang napanalunan nitong jackpot prize P5,940,000, para naman sa Lotto 6/42 draw noong Pebrero 2, 2023.
Ang winning number combination na 02 – 27 – 16 – 29 – 04 – 19 ay mula umano sa pinagsama-samang birthdates ng mga magulang at mga anak ng mananaya.
Ilalaan naman daw nito ang kaniyang napanalunan para sa edukasyon ng kaniyang mga anak at plano rin niyang magnegosyo tungkol sa farming.--FRJ, GMA Integrated News