Tinawag ni Senador Grace Poe na nakakagalit, nakakahiya, at hindi katanggap-tanggap ang nahuli-cam na pagkuha umano sa pera ng isang papaalis na Thai tourist na kagagawan ng ilang security screening officers (SSOs) sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, ipinakita ang video na kuha umano ng kasama ng biktima sa ginawang pasimpleng pagkuha ng ilang security officer sa pera na nagkakahalaga ng ¥20,000 o tinatayang P8,000.
Nag-viral ang naturang video sa social media noong nakaraang linggo.
Pinagsusumite ni Poe ang Manila International Airport Authority at Office for Transportation Security (OTS) ng ulat kaugnay ng naturang insidente.
“Parang ambilis no? Importante talaga na may high resolution CCTV siguro yung airport kasi yung sinasabi nila na sleight of hand, alam mo 'yun? 'Yung mabilis na parang di mo mahahalata. Turista na nga eh. Gusto natin na maraming pumunta na turista dito,” sabi ni Poe, chairperson ng Senate public services committee.
Sa video, makikita na may ibinulsa ang security officer sa checkpoint. Sa isa pang video, makikita naman ang dayuhan na pinapasauli ang pera.
Matapos na maibalik ang pera, pinapabura ng security officer ang na-record na video.
Ayon sa OTS, isinailalim na sa preventive suspension at iniimbestigahan na ang sangkot na mga tauhan.
Kinondena rin nila ang insidente na hindi raw nila kukunsintihin.
“We will apply the full force of the law to penalize the perpetrators…Our government has been trying to invite tourists…these corrupt OTS personnel are undermining and negating the gains of our efforts,” ayon sa ahensiya.
Ayon kay Poe, dapat masuri ang CCTV footage sa airport. Hindi umano iyon ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganoong insidente.
Kahit daw ang kaniyang empleyado, biglang nawalan ng Apple watch nang dumaan sa security.
Gayunman, dapat din daw na pag-aralan ang sahod ng mga security officer na maaaring dahilan kung bakit nakakaisip ng hindi maganda ang ilang tauhan sa paliparan.
“Walang excuse sa paggawa ng bagay na ilegal. Pero ang totoo no'n 'pag sobrang gipit ka, mas lalo kang mae-enganyo gumawa ng mga ganitong kalokohan,” paliwanag niya. --FRJ, GMA Integrated News