Sugatan ang alkalde ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur na si Ohto Caumbo Montawal, matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kaniyang sasakyan sa Pasay City noong Miyerkules ng gabi.
Sa pahayag na inilabas nitong Biyernes ng Southern Police District (SPD), sinabing binabagtas ng sasakyan ni Montawal ang Roxas Boulevard Service Road dakong 6:30 p.m. nang pagbabarilin siya ng mga salarin.
Tumakas ang mga suspek patungo sa Buendia, Pasay City.
Nagtamo ng tama ng bala sa braso at balakang ang biktima na isinugod sa Ospital ng Maynila, at kinalaunan ay inilipat sa Asian Hospital sa Muntinlupa City.
Ayon sa SPD, sinusuri na ang mga CCTV footage sa lugar na pinangyarihan ng ambush.
Ang pag-ambush kay Montawal ay ikatlong insidente na ng pananambang sa mga lokal na opisyal ngayong Pebrero.
Noong Pebrero 17, tinambangan ang convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. sa Bukidnon. Nakaligtas ang gobernador pero nasawi ang apat niyang kasama.
Noong Pebrero 19, tinambangan at nasawi si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda, at limang iba pa sa Bagabag, Nueva Vizcaya. —FRJ, GMA Integrated News