Arestado ang dalawang lalaki sa Quezon City dahil sa umano'y pamamaril at pagkapatay sa isang Indian, at ang pinag-ugatan umano ng krimen ay ang paniningil ng utang.
Iniulat sa Unang Balita nitong Biyernes na umamin ang gunman at sinabing napag-utusan lang daw siya ng kanyang amo sa pinagtatrabahuhan niyang bigasan.
Inulat ni James Agustin na noong February 14, pinagbabaril ang biktimang Indian sa Barangay Batasan Hills. Dead on the spot ang biktima matapos tamaan ng bala ng baril sa ulo.
Nahuli-cam pa umano ang suspek na sumakay ng tricycle bago ang pamamaril. Dala-dala nito ang isang paper bag habang naglalakad.
Ayon sa ulat, walang CCTV sa lugar kung saan nangyari ang pamamaril, pero na kuhanan ng isa pang CCTV ang patakas ng suspek habang hinuhubad ang kanyang jacket na suot niya bago gawin ang krimen.
Sa follow-up operation ng mga pulis, naaresto ang 21-anyos na suspek na kinilalang si Mark Darriel Lagarde. Nakuha sa kanya ang isang baril na kargado ng mga bala.
Nahuli rin ang mastermind na si Randy Manalo matapos ituro ng gunman na nag-utos sa kanya na gawin ang krimen.
Napag-alamang nagtatrabaho si Lagarde bilang delivery boy sa bigasan ni Manalo, na nakuhanan ng mga pulis ng granada.
Sa imbestigasyon, lumalabas na ang ugat ng krimen ay sinisingil ng biktima ang utang sa kanya ni Manalo.
"Ang mastermind ng krimen ay may utang sa biktimang Indian sa halagang P200,000 ... Pagkatapos, ang ibinigay niya sa gunman ay P20,000," ayon kay PBGen Nicolas Terre III, QCPD director.
Umamin si Lagarde na siya ang bumaril sa biktima.
"Naudyukan lang ako ... syempre, pera... P20,000. Tatanggapin ko na lang po ang parusa," pahayag ni Lagarde.
Iginiit naman ni Manalo na P50,000 na lang ang utang niya sa Indian, at iba umano ang inutos niya kay Lagarde.
"Holdapin, hindi patayin," Pahayag ni Manalo. Nang tanungin kung bakit niya inutos ang krimen, sagot niya, "hindi ko po alam sir."
Mahaharap ang dalawa sa reklamong murder.
May karagdagan umanong reklamo laban kay Lagarde na illegal possession of firearms.
Samantala, si Manalo ay mahaharap sa hiwalay na reklamong illegal possession of explosives. —LBG, GMA Integrated News