Kagimbal-gimbal ang nangyaring krimen sa loob ng isang paaralan sa France nang saksakin ng isang 16-anyos na lalaking estudyante ang babaeng guro sa gitna ng klase. Ang biktima, nasawi.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing 52-anyos ang nasawing Spanish teacher, sa seaside town ng Saint-Thomas d'Aquin sa Saint Jean de Luz.
Ayon kay Bayonne prosecutor Jerome Bourrier, hindi na naisalba ang buhay ng guro, habang nadakip naman ang binatilyong suspek.
Base umano sa ulat ng Sud Ouest, sinugod ng binatilyo ang silid-aralan kung saan nagkaklase ang biktima at kaniyang sinaksak.
Isa umanong private at Catholic-based school ang Saint-Thomas d'Aquin, na malapit sa sentro ng Saint Jean de Luz.
Matapos ang insidente, pinayagan ang mga magulang ng ibang bata na sunduin sa loob ang kani-kanilang mga anak kung saan nangyari ang karahasan.
Labis na ikinadismaya ng Education Minister ng France na si Pap Ndiaye ang nangyari.
Sabi naman ng government spokesman na si Olivier Veran, "I can barely imagine the trauma that this represents at a local level and more generally on a national scale."
Sa ulat ng BFM television channel, isinara pa umano ng suspek ang pintuan ng silid-aralan at sinaksak sa dibdib ang guro.
Batay umano sa source ng TV station, sinabi umano ng binatilyo sa isa pang guro na may "tinig" na nag-utos sa kaniya na gawin ang krimen.
May mga ulat din na "sinaniban" umano ang binatilyo. Inaalam pa ng mga imbestigador ang psychological state at motibo ng suspek.
Itinuturing bihira ang mga pag-atake sa loob ng paaralan sa France. Gayunman, may mga pangamba tungkol sa tumataas na usapin sa seguridad ng mga guro.
BASAHIN: 13-anyos na estudyante, patay sa saksak ng 15-anyos na mag-aaral sa loob ng paaralan sa QC
Noong July 2014, isang 34-anyos na guro ang nasawi matapos saksakin ng ina ng isang estudyante sa Albi.
Noong 2012, isang guro at tatlong estudyante ang nasawi sa Toulouse nang targetin ng Islamist gunman na si Mohamed Merah ang isang Jewish school.— AFP/FRJ, GMA Integrated News