Arestado ang dalawang taxi driver sa San Isidro, Paranaque na sangkot umano sa panloloko sa paraan ng money transfer. Ang isa sa suspek, idinahilan na biktima rin lang siya matapos na makatanggap ng tawag na nanalo umano siya sa isang game show.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing base sa imbestigasyon ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), lumapit ang suspek na si Wilfredo Amania sa kakilala niyang nagnenegsoyo ng money transfer gamit ang isang digital wallet.
Nang magpatransaksyon umano ang suspek ng pera sa digital wallet, pumayag naman ang biktima. Pero nang makumpleto ang apat na money transfer transactions na nagkakahalaga ng P95,000, sinabi ng suspek na wala siyang pera na pampalit sa ipinadalang pera ng biktima.
"After niya na-send in 4 transactions wala daw pera si suspek. So luckily doon sa store na 'yon, yung barangay is just around the corner, so na-hold siya,” pahayag ni PNP ACG spokesperson Police Captain Michelle Sabino.
Inaresto rin ang kasamahang taxi driver ni Amania na si Albert Malong. Ngunit iginiit ng dalawa na biktima lang din sila.
Paliwanag ni Malong, isang nagpakilalang staff daw ng isang sikat na game show ang tumawag sa kaniya at sinabihan siya na nanalo siya ng P200,000.
Pero bago makuha ang premyo, kailangan daw muna niyang mag-transfer ng pera sa ibinigay na digital wallet.
Kaya humingi siya ng tulong sa kaibigan na negosyante.
Pero nang maipadala na nila ang pera, hindi na raw nila makontak ang tumawag sa kaniya.
Sinusubukan pa ng PNP-ACG kung sino ang may-ari ng mga pinagpasahang digital wallet. Kailangan din umano ng cyber-warrant para maibigay sa digital wallet company tungkol sa detalye ng pinagpasahang account.
Nagpaalala muli ang pulisya sa publiko na maging maingat sa mga transaksyon online lalo na kung hindi kakilala ang mga kausap sa social media. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News