Isang 34-anyos na turistang New Zealander ang nasawi matapos na barilin nang manlaban umano sa holdaper na nakasakay sa motorsiklo sa Makati City.
Sa inilabas na pahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Martes, kinilala ang biktima na si Nicholas Peter Stacey.
Nangyari umano ang krimen noong Linggo ng madaling araw sa Brgy. Palanan, habang kasama ng biktima ang nobya niyang Filipina.
Batay sa testimonya ng nobya, naglalakad sila ng biktima nang biglang dumating ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo.
Bumaba umano ang angkas at tinutukan sila ng baril kasabay ng pagdeklara ng holdap. Tinangka umano ni Stacey na agawin ang baril ng salarin at doon na siya pinaputukan na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Nagtamo ng isang tama ng bala sa dibdib ang biktima, ayon sa NCRPO.
Natangay umano ng mga nakatakas na salarin na patungo sa direksyon ng Pasay City ang cellphone at wallet ng biktima.
Iniutos na ni NCRPO chief General Jonnel Estomo sa Makati City Police Station na imbestigahan ang nangyari at kaagad na dakpin ang mga salarin.
Nais din niyang paigtingin ang police visibility sa nasabing lugar upang maiwasan na mangyari muli ang naturang uri ng krimen.
“Alam nating ang insidenteng ito ay maaaring magdulot at magdala ng takot sa ibang mga turistang pupunta sa ating bansa kung kaya’t sisiguraduhin nating mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng nasabing biktima," ayon sa opisyal.--FRJ, GMA Integrated News