Arestado sa buy-bust operation ng mga pulis ang isang Pinay at dalawang Chinese national. Kasamang nakuha sa mga suspek ang umano'y coffee-flavored na shabu.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nakuhanan pa sa surveillance video ng undercover na pulis mula sa Regional Drugs Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang pagtitimbang ng mga target sa ilegal na droga.

Matapos na i-deliver at matanggap ang pera, inaresto ang tatlong suspek na kinilalang sina Kun Yang at Yang Tao, at ang Pinay na si Faith Suñiga.

Miyembro raw ang tatlong ng tinatawag na Yang Drug Group na nag-o-operate sa Southern Metro Manila.

Bukod sa nasabat na shabu, nadiskubre rin ng NCRPO at Southern Police District (SPD) mula sa mga suspek ang bago umanong droga ang coffee-flavored na shabu.

Ayon kay NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Dexter Versola, maituturing na "big fish" ang isa sa mga naaresto.

Nakilala daw ni Faith ang kasintahan na Chinese sa isang dating application, at dito na rin siya nahila na sumama sa ilegal na gawain.

"Nanliligaw sila ng mga Filipina. At dito kapag naging ka-party na nila, nakuha na ang loob ay doon sasabihin na nag-e-engage pala sila sa pagbebenta ng droga," ani Versola.

Nagsasagawa pa rin ng follow-up operations ang mga awtoridad para madakip ang iba pang kasamahan ng grupo.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News