Nabisto ang pagkukunwari ng isang lalaki na may koneksyon sa gobyerno at sangkot sa “position for sale” scam matapos maaresto dahil sa panunutok ng baril sa away-kalsada.

Sa ulat ni JP Soriano sa Saksi, kinilala ang suspek na si Edward Vincent Diokno Eje.

Nadakip si Eje nang tutukan niya umano ng baril ang isang rider sa away-kalsada sa BGC, Taguig. Nakitaan din siya ng baril at pampasabog.

Habang pinoproseso ng mga awtoridad ang reklamong paglabag sa Firearms and Ammunition Act, natuklasan ng pulisya sa kanilang record na si Eje rin ang hinahanap ng PNP na nasa likod umano ng 'position for sale' scam.

Nagpakilala umano si Eje na may koneksyon sa Office of the President at pamilya ng pangulo, pati sa Office of the Executive Secretary.

Noong Enero 27, nagtungo sa Malacañang ang walong indibidwal para sa oathtaking umano nila para sa mga posisyon sa gobyerno.

Nakausap nila ang isang undersecretary at assistant secretary mula umano sa Office of the Executive Secretary. Gayunman, walang nakatakdang oathtaking sa araw na iyon.

Sinabi ng Malacañang na nagbayad pa ang walo ng malaking halaga para sa mga posisyon tulad ng ambassador at assistant secretary.

“They have to pay some fees for the processing and other fees para makaupo sila on that position. It turned out na sa mga pangako ni Diokno, na wala naman pala… Lahat ay just a scam,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Stefanio Andrenicus Rabino, chief ng Investigation Section ng CIDG-NCR.

Nabiktima rin ni Eje ang ilan showbiz personalities kabilang sina Rosanna Roces at Gwen Garci sa hiwalay na modus.

“‘Yung in-invest nilang pera they will earn certain interest out of those money na in-invest nila. After a few payments hindi na minake (make) good ni Mr. Diokno ‘yung mga napag-usapan nila na investment,” sabi ni Rabino.

Maaaring maharap sa multi-million estafa case si Eje na nakakulong na sa Camp Crame.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang kaniyang pahayag.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News