Arestado ang dalawang Chinese national matapos silang mahulihan ng mahigit P6.8 milyong halaga ng iba’t ibang klase ng mga droga umano sa Fort Bonifacio, Taguig City. Ang Pinay na nobya umano ng isa sa mga suspek, dinakip din.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, sinabing isinagawa ng pulisya ang pekeng transaksyon sa isang parking lot sa panulukan ng 26th Street at 7th Avenue.
Dinakip ang mga target na Chinese matapos silang magpakita na dala-dala ang kanilang item.
Isa sa mga suspek ang inaresto dahil sa illegal drugs at illegal possession of firearms sa Makati, samantalang ang isa ay may kaso rin ng kidnap for ransom.
Minanmanan ng mga pulis ang may mga criminal record na suspek, na nagpatuloy sa pagtutulak umano sa Muntinlupa, Pasay, Makati, Pasig at Taguig.
Tatlong buwan ang case build-up at surveillance sa mga suspek.
Nasabat sa kanila ang isang kilo ng hinihinalang shabu at 9.5 gramo ng high-grade marijuana o kush, pati na rin ang 100 piraso ng pula at pink na mga tableta na pinagsususpetsahang Chinese magu, isang uri ng party drug na pinaghalong shabu at caffeine.
Hindi makapagbigay ng pahayag ang dalawang banyaga dahil sa language barrier.
Ayon sa Pilipinang kanilang kasama, wala siyang kinalaman sa pagtutulak at paggamit ng ilegal na droga.
Isasailalim ang mga kontrabando sa eksaminasyon ng Southern Police District Forensic Unit.
Nakadetine naman ang mga suspek sa custodial facility habang hindi pa tapos ang booking at documentation sa kanila. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News