Nadakip at umamin ang isang taxi driver kaugnay sa pagkawala ng dalawang biktima na kinalaunan ay magkahiwalay na natagpuan patay sa magkaibang lugar. Ang isa sa mga biktima, isang lola sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Lunes, kinilala ang Criminal Investigation Unit (CIDU) ang suspek na si Mark Anthony Valera Cosio, o “Mac Mac,” isang taxi driver na residente sa Barangay Talipapa, Quexon City.
Naging biktima ng suspek ang 79-anyos na lola na si Edilbertha Borruel Gomez at si Maria Cristina dela Cruz Capistrano.
Ayon sa pulisya, natukoy ang pagkakakilanlan ni Cosio sa tulong ng CCTV footage.
Nauna nang naaresto si Cosio sa isang buy-bust operation sa Barangay Sauyo noong Pebrero 3. May impormasyon ang pulisya na sangkot umano ang suspek sa gun running, drug pushing, kidnapping, at pagbebenta ng pampasabog.
Noong Pebrero 10, umamin umano si Cosio na itinapon nila sa Tanay, Rizal ang katawan ng biktimang si Gomez. Kasama umano niya sa krimen sina Rolando Mosinos Picaña o “Lanlan”, Keith Richard Robosa, at Jimbo Robosa.
Noong Pebrero 11, pinuntahan nila ang lugar na sinasabi ng mga suspek at nakita nga doon ang katawan ni Gomez, na iniulat na nawawala mula pa noong Enero 14.
Bukod kay Gomez, sila rin umano ang pumatay kay Capistrano, na iniulat naman na nawawala noong Enero 27. Nakita ang katawan nito sa Laug, Mexico, Pampanga noong Enero 29.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ni Cosio, na isinakay niya ang mga biktima sa kaniyang taxi.
“Bale wala po, kung sino lang po ang maisakay… ’Pag naibaba ko po ‘yung biktima sila naman kukuha. Bale nakasunod po yung taxi ko dun tapos yung Vios naghatid dun,” paliwanag ng suspek.
Patuloy pa ang isinasagawang operasyon ng mga pulisya para maaresto ang iba pang suspek.--FRJ, GMA Integrated News