Patay ang isang mag-ina matapos ma-trap sa nasusunog nilang kwarto sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang sunog sa Barangay Krus Na Ligas ng lungsod.
Tumagal lamang ng 30 minuto ang sunog na umabot sa unang alarma, at naapula bago mag-alas tres ng madaling araw.
Pero tumambad sa mga responder ang wala nang buhay na mag-ina sa loob ng kanilang kwarto.
Ayon sa ulat, batay sa panayam sa mga taga-Bureau of Fire Protection (BFP), nasa mahigit 40-anyos ang ina at nasa 17 hanggang 18-anyos ang kanyang anak.
Dagdag pa, anim na buwan pa lamang umanong nangungupahan ang dalawang biktima sa lugar.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng apoy.
Pero, isa sa mga iimbestigahan ay kung sinadya ang sunog.
Ayon kay Fire Sr. Supt. Aristotle Bañaga, "Kakaiba po ang sunog na ito, iisang kwarto po siya at merong commotion ... nan dun yung bata, sinasabing nagsisigaw ng tulong at hindi mabuksan kasi naka-lock po nga. At later on, siguro mga ilang minuto, nanadun na nga, bigla na lang nagkaroon ng apoy at nagkaroon ng sunog doon."
Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng mga biktima ayon sa impormasyon na nakuha ng mga taga-BFP. —LBG, GMA Integrated News