Nabalot ng mga iyak at paghingi ng saklolo ang nakalipas na magdamag sa Turkey mula sa mga taong nasa ilalim ng mga gumuhong gusali habang patuloy ang isinasagawang rescue operation doon makaraang tumama ang malakas na magnitude 7.8 na lindol.
Sa ulat ng Reuters, sinabing umabot na sa mahigit 3,700 ang mga nasawi sa Turkey sa kalapit nitong bansa na Syria.
Halos nasa hangganan ng dalawang bansa ang sentro ng lindol na nagpabagsak sa mga apartment building, sumira sa mga ospital, at nag-iwan ng malaking pinsala sa mga ari-arian, marami ang nawalan ng tirahan at nasugatan.
Nakadagdag sa pahirap sa ginagawang pagsagip sa mga naipit sa mga guho ang nagyeyelong panahon doon.
Sa ilalim ng mga guho sa southern province ng Hatay, madidinig umano ang sigaw ng isang babaeng humihingi ng tulong. Sa kalapit na lugar, nakita ang mga labi ng isang musmos.
Labis ang lungkot ng isang residente na nagngangalang Deniz dahil sa kawalan umano ng mga sasagip sa mga naipit sa mga guho.
"They're making noises but nobody is coming," saad niya. "We're devastated, we're devastated. My God... They're calling out. They're saying, 'Save us,' but we can't save them. How are we going to save them? There has been nobody since the morning."
Ang sobrang lamig ng panahon ang lalong nagpapahirap sa mga naipit sa mga guho, maging ang mga nakaligtas pero walang masisilungan.
Sa Kahramanmaras, isang pamilya ang nakapaikot sa ginawa nilang apoy habang nakabalot ng kumot para labanan ang lamig.
"We barely made it out of the house," ayon kay Neset Guler, na kasama ang apat na anak. "Our situation is a disaster. We are hungry, we are thirsty. It's miserable."
Sa Turkey, nasa 2,316 ang bilang ng mga nasawi at mahigit 13,000 ang nasugatan, ayon sa Disaster and Emergency Management Authority (AFAD).
Itinuturing ito na isa sa deadliest earthquake ng bansa. Noong 1999, tumama rin ang katulad na lakas ng lindol doon at tinatayang 17,000 katao ang nasawi.
Sa Syria, nasa 1,444 katao naman ang nasawi, at 3,500 ang nasugatan, ayon sa pamahalaan ng Damascus at mga rescue worker sa northwestern region na kontrolado ng mga rebelde.
Ang problema sa internet connections at mga pinsala sa daan ang isa sa mga dahilan kaya hindi kaagad masuri at mahanapan ng lunas ang pinsalang idinulot ng lindol.
Tinawag ni Turkish President Tayyip Erdogan, ang nangyaring lindol na historic disaster at ginagawa umano ng mga mga awtoridad ang lahat ng makakaya.
"Everyone is putting their heart and soul into efforts although the winter season, cold weather and the earthquake happening during the night makes things more difficult," ani Edogan na haharap muli sa halalan sa Mayo.
Aniya, 45 bansa na ang nag-alok ng tulong para sa isasagawang search and rescue missions.
Sa lungsod ng Iskenderun sa Turkish, nasa tuktok ng mga bahagi ng gumuhong ospital ang mga rescuer para maghanap ng posibleng nakaligtas sa dating pinupuwestuhan ng intensive care unit.
"We have a patient who was taken into surgery but we don't know what happened," ayon kay Tulin, isang umiiyak na babae na nasa labas ng ospital na walang magawa kung hindi magdasal.
Sa Syria, nakadagdag sa hirap ng sitwasyon sa pagsasagawa ng rescue mission ang pinsalang idinulot ng 11 taong civil war.
"The infrastructure is damaged, the roads that we used to use for humanitarian work are damaged, we have to be creative in how to get to the people... but we are working hard," ayon kay UN resident coordinator El-Mostafa Benlamlih sa panayam ng Reuters via video link mula sa Damascus.—Reuters/FRJ, GMA Integrated News