Nadakip na ang gunman ng isang babaeng empleyado ng Office of the Ombudsman na sugatan matapos barilin sa dibdib sa Quezon City. Nasa kamay na din ng mga pulis ang sinasabing mastermind na nag-utos daw sa suspek.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Martes, kinilala ang suspek na si Marlon Nery, 47-anyos, na nadakip sa isinagawang follow-up operation ng Quezon City Police District Station 11 sa Barangay San Agustin, Novaliches.
Natunton ng pulisya ang suspek gamit ang mga kuha ng CCTV, kung saan nakita ang kaniyang mga dinaanan at ang kaniyang pagtatanggal ng helmet.
Nabawi mula kay Nery ang dalawang baril, mga bala, at isang motorsiklo na nirentahan sa halagang P500 kada gamit.
“Inutos po kasi sa akin, tsaka nagipit po ako roon sa inaalok sa akin na tulong sa kaso. Humihingi po ako ng patawad doon sa pamilya pati sa pamilya ko po sa nagawa ko po,” sabi ni Nery.
Itinuturo ng suspek na nag-utos sa kaniya ang isang Dexter Cruz, na kasamahan sa trabaho ng biktima.
Binigyan ng mastermind umano ang gunman ng P30,000.
“Nagkaroon po sila ng relasyon sabi niya. Sumasakit na raw po ang ulo niya, baka raw matulungan ko siya. Sinabi nga niya na baka may kakilala ako. Sabi ko ‘Susubukan ko, maghahanap ako,’” sabi ni Nery.
Nadakip naman si Cruz sa Central Avenue nang silbihan ng warrant of arrest ng QCPD para sa hiwalay na kaso ng bigamy.
“Hindi po, no comment,” sabi ni Cruz nang tanungin kung siya ang nag-utos ng pagpatay sa babae.
“‘Yan ang itinuturo ng gunman na nag-utos sa kaniya, nagbayad sa kaniya... You connect the dots, may personal dynamics silang dalawa. Magkakilala sila, magkasama sila nang matagal sa trabahong ‘yan,” ani QCPD Director Police Brigadier General Nicolas Torre III.
Mahaharap sina Nery at Cruz sa reklamong frustrated murder, at may karagdagang illegal possession of firearms si Nery.
Nagpapagaling hanggang ngayon sa ospital ang biktima na kinilalang si Diane Jane Paguirigan.
Itinuturing nang case solved ng QCPD ang insidente ng pamamaril. -Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News