Nangunguna ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may pinakamaraming inaalagaang aso, base sa isang pag-aaral.
Sa ulat ni Oscar Oida sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing lumalabas sa pag-aaral ng Rakuten Insight na 67 porsyento ng populasyon ng Pilipinas ang nag-aalaga ng tinaguriang “man’s best friend”, na pinakamataas na porsyento sa Asya.
Noong 2020, umabot sa 10.8 milyon ang mga naitalang aso sa Pilipinas, at lumaki pa ito ng hanggang 40 porsyento nang magkapandemya.
Ayon pa sa Rakuten Insight, nag-aalaga ng mga aso ang mga Pinoy para mabawasan ang kanilang stress, para may makasama, at para makaramdam ng seguridad.
Sinabi naman ng Animal Kingdom Foundation na likas na malapit ang mga Pilipino sa mga aso.
“Napakaraming factors kung bakit nagkakaroon tayo ng attachment sa mga aso, sa mga pusa or kahit anong mga pets. Unang-una ang companionship. May mga aso diyan na ginagawang bantay. Siyempre ‘yung mga uso ngayon, naging fashion trend din ang pet ownership,” sabi ni Atty. Heidi Marquez Caguia, Program Director ng Animal Kingdom Foundation.
Nagpaalala ang Animal Kingdom Foundation na hindi sapat na mahal ng isang owner ang kaniyang mga alaga, kundi kaya niyang panindigan ang mga responsibilidad sa pag-aalaga sa mga ito. —LBG, GMA Integrated News