Dead on the spot ang isang lalaki sa pamamaril ng "riding-in-tandem" sa Payatas, Quezon City noong Huwebes ng hapon.
Makikita sa video na inilabas ng Unang Balita nitong Biyernes ang mismong pamamaril sa biktima.
Sa ulat ni James Agustin, sinabing dumating ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo, at maya-maya pa ay dumating na ang dalawang makaangkas sa motor at agad na pinagbabaril ang biktima.
Nangyari ang krimen sa isang bahagi ng Everlasting St. sa Barangay Payatas.
Kinilala ang biktima na si Alvin Alejo na nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at sa likod.
Pahayag ng mga taga-barangay, mga residente sa lugar ang tumawag sa kanila upang i-report ang krimen, ayon sa ulat.
Blangko ang mga kaanak ng biktima sa maaaring motibo sa pamamaril.
Nagpaalam lang daw ang biktima sa kanyang asawa na may kukunin sa lugar kung saan siya binaril at mapatay, pahayag ng tiyahin ng biktima.
Ayon sa ulat, isa sa mga tinitingnang anggulo sa krimen ng mga awtoridad ay ang dating mga kasong kinakasangkutan ni Alejo.
"Dati po kasing nagkaroon ng kaso ang biktima hinggil sa Dangerous Drugs ACT (RA 9165) at may kaso rin siya dati na theft. So, yun ang tinitingnan natin...," ayon kay Police Major Don Don Llapitan, chief ng CIDU-Quezon City Police District (QCPD).
Nagsasagawa na umano ng follow-up operation ang mga pulis upang matukoy at mahuli ang mga salarin. —LBG, GMA Integrated News