Ilang nabiktima umano ng investment scam ang dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) at kasamang inireklamo si Luis Manzano. Pero paliwanag ng actor-TV host, wala siyang kinalaman sa pagpapatakbo ng inirereklamong kompanya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kabilang si Jinky Sta. Isabel sa mga umano'y nagpasok ng pera na milyong piso ang halaga bilang puhunan sa Flex Fuel.
Ayon kay Sta. Isabel, nahikayat siyang maglagak ng pera dahil umano sa aktor, na umano'y chairman ng kompanya at isa sa mga may-ari.
"'Ako ito. Luis Manzano ito.' Kaya agad-agad akong nag-deposit," sabi ni Sta. Isabel.
"Siyempre hindi ka magda-doubt sa kaniya. Siyempre, Luis Manzano, artista," patuloy niya.
Ayon kay Sta. Isabel, pinapayagan lang umano ng Securities and Exchange Commission ang kompanya na magbenta ng produkto pero hindi ang mag-solicit ng puhunan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Manzano na, "I never took part in the management of the business."
Maging siya man umano ay nawalan ng pera na milyon piso ang halaga.
Idinagdag ng kampo ni Manzano na nagsampa ang aktor ng reklamo laban sa kaniyang kaibigan at CEO ng kompanya na si Ildefonso Medel Jr. noong November 2022.
Ginawa umano ito ng aktor nang dumulog sa kaniya ang ilang naglagak ng puhunan at nais na mabawi ang kanilang pera.—FRJ, GMA Integrated News