Nasagip ang isang Chinese na dinukot umano ng kapuwa niya Chinese at dalawang Filipino matapos na makahingi ng saklolo ang biktima nang pumarada ang kanilang sinasakyan sa no-parking zone ng isang establisimyento sa Pasay City.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing base sa imbestigasyon ng awtoridad, nakipagkita umano sa mga suspek ang biktima na isang empleyado ng Chinese Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Tandang Sora, Quezon City para ihatid sa inaalok na trabahong POGO rin.

Pero habang nasa biyahe, tinutukan daw ng baril ng mga suspek ang biktima at hiningan ng P300,000.

“While on transit, according to the victim, at gunpoint, hinihingan siya ng P300,000 para I-release daw siya. Napadaan sila dito sa isang malaking establishment dito sa Pasay at nag-park sandali. Tapos nakita sila ng security guard [sisitahin], dahil yung kanilang nahintuan ay no parking zone," ayon kay Police Colonel Froilan Uy, hepe ng Pasay Police.

"While yung security guard ay papalapit, nakakuha ng timing itong ating victim na lumabas ng sasakyan, nagsisigaw, humihingi ng tulong,” patuloy niya.

Tinangka umano ng mga suspek na tumakas pero inabutan na sila ng mga rumespondeng pulis at nahuli.

Nakita sa sasakyan ng mga suspek ang tatlong set plaka ng sasakyan, pangtali, baril na .45 caliber, paltik, at mga bala.

Itinanggi ng suspek na Chinese national ang alegasyon na kidnaper sila.

“I come here for business, I have my own company. How can I kidnap one guy and three hundred thousand? I don’t know what happened to him,” ayon kay Hong Tianfu.

Nagpakilala naman na Army reservist ang dalawang naarestong Pinoy na itinangging may kinalaman sila sa umano'y tangkang pagkidnap.

"Nung bumibiyahe kami, okay naman silang dalawa, nagtatawanan. 'Di namin maintindihan usapan nila kasi Chinese," paliwanag ni Noe Domo.

"Wala talaga kaming alam," giit ni Dominador Domingo.

Sinabi ni Southern Police District Director Police Brigadier General Kirby John Kraft, na patuloy ang kanilang imbestigasyon para malaman kung saan galing ang baril ng mga suspek at sino pa ang kanilang kasamahan.--FRJ, GMA Integrated News