Nahuli-cam sa Huntington Park sa Los Angeles, USA ang pagbaril ng mga pulis sa isang "black" guy na putol ang dalawang paa, may hawak umanong patalim, at nais 'takasan' ang mga awtoridad matapos na iwan ang kaniyang wheelchair.
Ito ang pinakabagong insidente ng mga alegasyon ng police brutality sa Amerika na halos lahat ng biktima ay mga "itim."
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing lumabas ang video footage na kuha ng mga bystander na makikita ang biktimang si Anthony Lowe, 36-anyos, putol ang mga paa hanggang sa tuhod, na bumaba mula sa kaniyang wheelchair na may hawak na "makislap" na bagay, at mabilis na naglakad palayo sa mga pulis na nakabunot ang mga baril.
Rumesponde umano ang mga pulis matapos makatanggap ng tawag na mayroon umanong insidente ng pananaksak sa lugar noong nakaraang Huwebes.
Ilang putok ng baril ang nadinig at nasawi si Lowe.
Bago ang naturang insidente, umani rin ng batikos ang mga pulis sa Memphis dahil sa paggulpi at kalaunan ay pagkamatay ni Tyre Nichols, 29-anyos, na isa ring "itim."
Ayon sa pulisya ng Huntington Park, ilang beses nilang sinabihan ang suspek na si Rowe na itapon ang hawak na patalim pero hindi umano ito sumunod.
Dalawang beses din daw nilang ginamitan ng Taser ang biktima pero hindi nagtagumpay.
"The suspect continued to threaten officers with the butcher knife, resulting in an officer-involved shooting," ayon sa police department.
Sa mga video, makikita na may "makislap" na bagay na hawak si Lowe pero mabilis siyang naglalakad na tila nais takasan ang mga pulis. Pero hindi naman siya makakalayo dahil sa hanggang tuhod na lang ang kaniyang mga hakbang.
Wala rin umanong indikasyon na susugurin niya ang mga pulis.
Ayon sa Los Angeles County Sheriff's Department, nagtamo ng tama ng bala sa katawan si Lowe at kaagad na namatay sa pinangyarihan ng insidente.
Sinabi ng pamilya ni Lowe sa Los Angeles Times na nakararanas ng mental health issue ang biktima.
Hindi sila nagbigay ng pahayag sa alegasyon na may sinaksak si Lowe bago mangyari ang pamamaril ng mga pulis.
Umaasa ang ina ni Lowe na si Dorothy, na may managot sa sinapit ng kaniyang anak.
"The way they killed my son, they murdered my son in a wheelchair with no legs," saad niya.
"So they do need to do something about it, because I do I want justice for my son." -- AFP/FRJ, GMA Integrated News