Isinailalim na sa kustodya ng Army sina Brigadier General Jesus Durante III at Colonel Michael Licyayo, matapos silang sampahan ng reklamo-- kasama ang walong iba pa-- kaugnay sa pagbaril at pagpatay sa modelo at negosyanteng si Yvonette Plaza noong Disyembre 28, 2022 sa Davao City.
Ayon sa Police Regional Office-11 (PRO-11), mga reklamong murder, obstruction of justice, at theft ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek.
"We confirm na yesterday [Miyerkoles] ng umaga ay na-file na namin 'yung cases of murder, theft, and obstruction of justice against the suspects sa pagpatay kay Yvonnette Chua Plaza," sabi ni PRO-11 spokesperson Police Major Eudisan Gultiano sa panayam ng Dobol B TV nitong Huwebes.
Walo lang sa mga inireklamo [karamihan ay sundalo] ang pinangalanan. Bukod kina Durante at Licyayo, kasama sa reklamo sina Staff Sergeant Gilbert Plaza, Sergeant Delfin Sialsa Jr, Corporal Adrian Cachero, at Noel Japitan.
Ayon kay Gultiano, si Sialsa umano ang nakunan sa CCTV camera na siyang bumaril kay Plaza. Nagsumite umano ito ng extrajudicial confession, at itinuro si Durante na siyang utak sa krimen.
Ang sundalo rin na si Cachero ang nagmaneho naman ng motorsiklo na ginamit nila sa krimen.
Nang tanungin kung ano ang motibo sa krimen, sinabi ni Gultiano na magkarelasyon sina Plaza at Durante, at may hawak na sensitibong impormasyon ang biktima para gamitin laban sa heneral.
"May identified po tayong motibo like itong si Yvonette Plaza ay may hawak na sensitive information na ginagamit niya kay General Durante," ayon kay Gultiano na tumangging ihayag kung ano ang tinutukoy na sensitibong impormasyon.
Idinagdag ni Gultiano na batay sa testimonya ng ibang suspek, nagseselos din umano si Durante.
"It appears po talaga based doon the investigation na may intimate relationship po itong si sila General Durante. According to the confessions natin, at one instance talagang nagsabi si Durante na nagseselos siya," patuloy ng opisyal.
Wala pang pahayag si Durante at iba pang suspek kaugnay sa pagkakadawit nila sa kaso. Pero nauna nang itinanggi ng heneral na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Plaza.
Sa hiwalay na panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Philippine Army chief Lieutenant General Romeo Brawner Jr. na nasa Philippine Army headquarters sina Durante at Licyayo.
"Sa ngayon, si General Durante at Colonel Licyayo ang nandito sa amin, nandito sa headquarters ng Philippine Army. 'Yung iba naman, for example, yung nagsabi na siya po yung gunman ay nandun sa custody ng PNP (Philippine National Police)," anang opisyal.
Inalis na rin si Durante bilang pinuno ng 1001st Infantry Brigade.
Ilang araw matapos patayin si Plaza, lumabas sa social media post ang pangalan ni Durante na iniuugnay sa nangyaring krimen.
Pero ayon kay Durante, dating pinuno ng Presidential Security Group (PSG), kaibigan niya si Plaza.
"Yvonne was a friend. My name is being dragged based on an FB post made last April 2022 wherein I allegedly hurt her. She later retracted the post and issued a statement that I did not in any way harm her," anang heneral sa nauna nitong pahayag.
"I am deeply saddened by her demise and condole with her family and friends. I, myself, demand justice for Yvonne," dagdag niya. --FRJ, GMA Integrate News