Agad na nagsumbong sa mga awtoridad ang isang babae sa Cavite nang malaman niya na may laman na ilegal na droga ang mga ipinadala sa kaniyang mga de-lata ng dayuhang nobyo na nasa Belgium. Ang nobyo, nakilala lang ng babae sa internet.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nalaman ng babae na mahigit 6,000 tableta na ecstasy ang nakalagay sa padala na umaabot ang halaga sa P10.5 milyon.
Ayon sa babae, pinadalhan siya ng parcel pagkalipas ng ilang buwang pag-uusap nila ng kaniyang nobyo.
“Meron siya sa online dating, tapos naging boyfriend niya isang dayuhan. Nang naging boyfriend niya, in-inform siya na merong package na ipapadala sa kaniya na diumano'y ang laman ay mga goods,” ayon kay Cavite 4th District Representative Elpidio Barzaga Jr.
“Eh ‘di ang ginawa niya nang dumating ang notice sa post office kinuha niya. Pagdating sa kanyang bahay na bukod sa mga de-lata may gamot na ipinagbabawal,” saad pa niya.
Dahil agad na niyang ipinaalam sa barangay hall ang insidente, sinabi ni Barzaga na naipaabot agad sa mga awtoridad ang insidente dahilan upang hindi na siya sampahan ng reklamo.
“Dinala niya sa barangay hall kinausap niya ang barangay captain namin at ang ginawa ng barangay captain. Tumawag na sa kapulisan at nang dumating ang pulis may kasama ng PDEA.
Nagbigay babala naman ang kongresista ukol sa online dating.
“Para naman magising ang ating mga kababayan na hindi basta basta ang online dating because hindi mo naman talaga alam ang personalidad ng mga makaka-date mo sa online dating,” aniya pa.
“They have to properly scrutinize, tingnan nila ang background at tingnan nila kung talagang maayos ang intensyon sa kanila,” giit pa niya.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News