Nilalagnat at may ubo nang masagip ng mga awtoridad ang isang sanggol na anim na buwang gulang sa Dasmariñas, Cavite na ipinagpalit umano ng sariling nanay sa shabu. Ang nanay, itinanggi ang paratang bagaman inamin niya ang pagkuha ng ilegal na droga.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing sa liblib na lugar sa Paliparan natunton ng mga tauhan ng Cabuyao Police at City Social Welfare Office ang naturang sanggol.
“Parang barter ang dating… marami na tayong nahuli hindi ganoon pero ito iba kasi ‘yung anak niya ang ginamit niya para makakuha ng drugs,” saad ni Cabuyao Police chief Police Lieutenant Colonel Jack Angog.
Ayon sa ulat, naaresto noong Sabado ang ina sa isang buy-bust operation. Bukod sa droga, natagpuan din sa kaniya ang mga damit ng baby.
Dito na nabisto ng pulisya ang nangyari sa sanggol.
“Tapos kung magkano man ‘yung kikitain niya du’n, ibabalik niya, ibibigay niya du’n worth the same shabu para makuha niya ulit ‘yung anak niya,” ani Angog. “Ang una sinabi niya is kalahating [shabu].”
Aminado ang ina ng sanggol na nagpunta nga siya sa Cavite para kumuha ng ilegal na droga. Pero iginiit niyang iniwan lang niya doon ang anak.
“Kumuha po ako ng droga na may bitbit akong pera halagang P2,000. P500 ang back and forth ko, ay kinuha ko ng drugs. Bitbit ko ang anak ko dahil gabi na. Kaibigan ko naman ‘yung pinuntahan ko. Sabi niya ‘wag isapalaran ‘yung bata,” paliwanag niya.
Nasa mabuting kalagayan na ang sanggol na nasa pangangalaga ng CSWD.
Sinampahan na ng mga reklamong paglabag sa RA 9165 ang suspek na nakakulong ngayon sa Cabuyao Police Station. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News