Inirekomenda ng Department of National Defense sa Senado na baguhin ang bagong batas na nagtatakda ng tatlong taong termino ng mga pangunahing posisyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP)--kabilang ang Chief of Staff-- na pinagtibay lang noong nakaraang taon.
Ito ang sinabi ni DND Secretary Secretary Carlito Galvez Jr., sa isang ambush interview nitong Lunes sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay Galvez, nagpahayag ng suporta sa naturang rekomendasyon ang Senado, na nagnanais na amyendahan ang Republic Act 11709 o Act Strengthening Professionalism in the AFP.
“We are very thankful that the Senate, headed by our Senate President [Miguel Zubiri], made a statement that they will support our recommendation, which we will already remove the term 'fixed term,' instead we will use the term 'extended tenure of service',” saad niya.
Kung tatanggapin ng Senado ang kanilang rekomendasyon, sinabi ni Galvez na magiging "flexible" at "hindi absolute" ang career management ng mga opisyal ng AFP.
“So there is no such thing as fixed term already. Yung nga ang ano namin, kung ma-adopt 'yon, para at least talagang hindi magiging absolute, magiging flexible yung tinatawag nating career management ng ating mga key officers,” paliwanag niya.
Sakaling aprubahan ng Senado, sinabi rin ni Galvez na ang mga naturang opisyal ng AFP ay maaaring tumagal sa kanilang posisyon o palitan kung hindi na nila natatamasa ang tiwala at kumpiyansa ng Pangulo “nang walang paghihigpit ng batas.”
"Nakikita natin na maganda yung magiging flexibility,” patuloy niya. “If the trust and confidence of the President has been removed, he can immediately replace [the officer] without restrictions of the law.”
Nitong Linggo, sinabi ni Zubiri na nakatanggap ng malakas na suporta mula sa mga senador ang panukalang batas na suriin ang naturang batas na saklaw ang tatlong taong termino sa AFP.
Nauna nang sinabi ng senador na layunin ng Senado na maipasa ang panukalang batas na nag-aamyenda sa RA 11709 sa loob ng unang quarter ng 2023.
Noong Enero 12, inihayag ni Galvez na maaaring humantong sa pagtigil sa yugto ng promosyon sa AFP at demoralisasyon sa mga opisyal ng militar ang nakapakong tatlong taong termino sa mga pangunahing posisyon sa militar.
Sabi pa niya, ang isyu ay kabilang sa mga dahilan ng “rumblings” o “unrest” sa hanay ng militar.
Bago bumaba sa kaniyang puwesto noong 2022, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11709, na nagbibigay ng tatlong taong termino para sa mga pangunahing opisyal ng AFP, kabilang ang chief of staff.
Sa naturang batas, maaaring panatilihin ng pangulo sa puwesto ang chief of staff at iba pang pangunahing opisyal ng AFP kahit dumating na ang araw ng kanilang pagreretiro.
Idineklara namang “urgent” ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang House Bill 6517, na naglalayong amyendahan ang RA 11709.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News