Nagsalita na nitong Martes tungkol sa ginawa niyang pagbibitiw bilang Officer-in-Charge ng Department of National Defense (DND) si Jose Faustino Jr.
Sa isang pahayag, sinabi ni Faustino na nagbitiw siya sa kaniyang tungkulin matapos niyang malaman lang sa "mga balita at social media" ang tungkol sa pagkakatalaga sa bagong hepe ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
“With the utmost respect, I submitted my irrevocable letter of resignation to the President, His Excellency Ferdinand R. Marcos Jr., on Friday, January 6, 2023, after learning only from news and social media reports that an oath of office of the new Chief of Staff, AFP had taken place at Malacañang,” ayon kay Faustino.
Ang tinutukoy ni Faustino ay ang ginawang pagbabalik ni Marcos kay General Andres Centino bilang hepe ng AFP.
Pinalitan ni Centino sa naturang puwesto si Lieutenant General Bartolome Bacarro, na naging hepe ng AFP sa loob lamang ng limang buwan.
Si Centino ang nakaupong AFP mula November 12, 2021 hanggang August 8, 2022.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang pahayag ng Malacañang kaugnay sa pahayag ni Faustino.
Ayon kay Faustino, hindi niya papayagang “mabahiran, masira o mapulitika” ang reputasyon ng AFP at nangako siyang pananatilihin ang pagpapahalaga sa organisasyon.
“[The AFP] has undeniably proven its mettle over the decades. It is a highly disciplined and competent organization that will survive under any given circumstance,” giit pa niya.
“Thus, fully cognizant of the selfless sacrifice and courage of our troops and civilian human resources, I cannot allow the AFP’s reputation to be tarnished, maligned, or politicized. I assure everyone that I will always hold the AFP in high esteem, which its men and women have painstakingly earned,” dagdag pa ng nagbitiw na opisyal.
Itinalaga naman si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Sec. Carlito Galvez Jr. bilang hepe ng DND.
Walang mass resignation
Sa panayam naman sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DND spokesperson Arsenio Andolong, na kinausap ni Faustino si Marcos matapos magsumite ng kaniyang pagbibitiw sa puwesto at bago ang turnover ceremony ng AFP noong Linggo.
Nilinaw din ni Andolong na walang naganap na mass resignation sa DND.
Ayon pa sa kaniya, lahat ng coterminous appointees ay kinakailangang maghain ng courtesy resignation matapos ang pagbabago sa pamunuan.
“Ngayon po na inanunsyo na po yung bagong kalihim po ng kagawaran ay automatic naman po na magsa-submit ng courtesy resignation lahat nung co-terminus na appointees,” saad ni Andolong.
“Pero dun sa konteksto po na nag-mass resignation po, wala pong ganun,” giit pa niya. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News