Naantig ang damdamin at hinangaan ng mga netizen at nakasaksi ang ginawa ng isang lola na nagpamalas ng pagmamalasakit sa dalawang batang namamalimos na kaniyang pinakain sa loob ng isang fast food chain sa San Jose, Occidental Mindoro.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood ang video ng uploader na si Leira Joyce Quilla, na pinaupo ng lola ang dalawang bata sa loob ng kainan.
Sandali niyang iniwan ang mga bata at bumalik ang lola sa kabilang table na kinaroroonan naman ng kaniyang mga kasama.
Ilang saglit pa, hinatiran na ng pagkain ng isang crew ang dalawang bata. Makikitang tila nahihiya pa ang batang lalaki na galawin ang kaniyang pagkain sa mesa.
Hanggang sa muling lumapit ang lola sa mga bata at tinulungan silang kumain.
Todo-asikaso ang lola habang kinakausap niya ang mga paslit.
Hindi na nakuha ni Quilla ang pangalan ng lola, pero sinabi niyang marami ang naantig sa kabutihang ipinakita ng lola noong araw na iyon.
"This is what our eyes need today, the goodness of people. Hindi lang si lola kundi ang mga crew, ang babait nila. The way they guide the two kids to wash their hands and took out the left over of them after," sabi ni Quilla.
"Ang saya sa mata, I feel blessed na isa ako sa mga nakasaksi ng goodness ng isant tao and my heart helt happy at that moment. God bless po sa inyo specially kay lola, more years to come pa po sana sa inyo," dagdag ni Quilla. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News