Lima umanong miyembro ng isang robbery-holdup group ang arestado sa Pasay City, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.
Natunton ng mga pulis ang mga suspek matapos makunan sa CCTV ang ilang miyembro na magnanakaw ng cellphone sakay ng isang motorsiklo.
Ayon sa pulisya, miyembro ang mga suspek ng 'Donggan Brothers Robbery Holdup Criminal Group.'
Nahuli ang mga suspek matapos makilala ang mga motor na ginagamit nila at dahil na rin sa tulong ng ilang informant.
"Itong criminal gang na ito, actually, nago-operate ito sa Kalakhang Maynila pero naka-base sila dito sa Pasay City," ani Police Colonel Byron Tabernilla, hepe ng Pasay City Police.
Kabilang sa naaresto ang umano'y lider ng grupo na si Viron Baning alyas Byron Dongan at ang asawa nitong si Kristine Javier, na siya raw "tipster" ng grupo kung saan mago-operate.
Arestado rin ang kapatid ni Kristine na si Michael Perez at kanilang stepfather na si Bryan Bautista. Naaresto rin ang isang miyembro na kinilalang si Jeffrey Novencido.
Itinanggi naman ng grupo ang mga paratang sa kanila.
"Marami lang po talagang galit at gumagamit ng pangalan ko," depensa ni Viron.
Ayon sa pulisya, dati nang may kasong carnapping at frustrated homicide si Viron Baning.
Nakuha mula sa grupo ang motorsiklong ginagamit sa panghoholdap. Nakumpiska rin kay Baning ang isang baril samantalang isang hand grenade ang nakuha kay Michael Perez.
May umano'y shabu rin na may timbang na 2.7 grams na nagkakahalaga ng P18,000 ang nakuha sa hideout ng mga suspek, pero itinanggi nila na sa kanila ito. —KBK, GMA Integrated News